Hindi magdadalawang-isip si United States President Barack Obama na punahin ang “well-documented and relevant concerns” sa isyu ng karapatang pantao sa Pilipinas sa inaabangang pagkikita nila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sidelines ng East Asia summit sa Laos sa Setyembre 6.

Ito ang reaksyon ni White House Press Secretary Josh Earnest sa mga pahayag ni Duterte bago ang pagkikita ng dalawang Pangulo sa susunod na linggo.

Sa press gaggle sakay ng Air Force One patungo sa Lake Tahoe, Nevada, noong Huwebes (oras sa Manila), sinabi ni Earnest na matapos pakinggan si Duterte tiyak na hindi mag-aatubili si Obama na banggitin ang ilang alalahanin ng Amerika tungkol sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas sa ilalim ng administrasyon ng dating Davao City mayor.

Binigyang-diin ni Earnest na si Duterte ay isang “unorthodox politician that can be quite unpredictable in some of the things that he says,” samantalang si Obama ay mayroong sariling “ability and willingness to speak bluntly” maging sa mga isyu na maaaring magkaroon ng ilang hindi pagkakasundo sa pagitan ng US at mga kaalyado nito, gaya ng Pilipinas.

National

Mula magnitude 5.9: Lindol sa Southern Leyte, ibinaba sa magnitude 5.8

Nauna nang nagpahayag si Duterte na igigiit niya sa pagkikita nila ni Obama na pakinggan muna siya bago tanungin tungkol sa human rights.

Ayon kay Duterte, dapat maunawaan ni Obama ang problemang kinakaharap ng Pilipinas bago niya talakayin ang tungkol sa karapatang pantao.

Ngunit, gaya ng idiniin ni Earnest sa Air Force One briefing, ang transcript ay ipinaskil sa official website ng White House, hindi lamang human rights ang tatalakayin sa dayalogo ng dalawang Pangulo dahil may iba pang mahahalagang isyung panseguridad para sa dalawang malapit na magkaalyadong bansa, partikular na ang tensiyon sa South China Sea.

Posibleng direkta ring babanggitin ni Obama ang tungkol sa magkaparehong interes ng US at Pilipinas, partikular na sa maritime security.

Sinabi ni Earnest na sa katunayan ang Pilipinas ay treaty ally ng United States. Ito, ayon sa kanya, ay malaking bagay sa Manila dahil mayroong mga benepisyo ang magkaalyadong bansa. “And certainly as the Philippines deals with some of the maritime security situations in the South China Sea, they benefit from a close relationship with the United States,” aniya. (ROY C. MABASA)