MANDAUE CITY, Cebu – Tatlong magkakaanak mula sa isang kilalang political clan ang nasawi makaraang hindi makalabas mula sa nasusunog nilang bahay sa SB Cabahug Street sa Barangay Ibabao-Estancia sa siyudad na ito, kahapon ng madaling araw.
Namatay sa sunog, na nagsimula dakong 5:31 ng umaga, si Nestor Ouano, 60; asawa niyang si Belen; at 16-anyos nilang anak na si Mae. Ang mag-anak ay second degree relatives ng Ouano political clan, na ilang taong namuno sa Mandaue City.
Ang bangkay ni Nestor ay natagpuan sa pagkakaupo sa banyo. Wala siyang natamong sugat kaya naniniwala ang mga imbestigador na nasawi siya sa suffocation. Natagpuan namang magkapatong ang bangkay ng mag-inang Belen at Mae.
Nagawa namang makalabas ng bahay ni Aida Ouano, guro at nakatira rin sa natupok na bahay, bagamat nagtamo siya ng third degree burns sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Batay sa paunang imbestigasyon, sinabi ni SFO1 Edgar Vergara na posibleng nagmula ang sunog sa pumalyang air-conditioner sa loob ng bahay ng mag-anak.
Nadamay sa sunog ang limang iba pang bahay at isang punerarya na may kanugnog na display center ng mga kabaong. Karamihan sa mga natupok na bahay ay antigo at itinayo noong unang bahagi ng dekada ’50. (Mars W. Mosqueda, Jr.)