Pinangangambahan na matatanggal sa serbisyo ang tatlong pulis na sinibak sa puwesto makaraang sampahan ng kasong administratibo dahil sa pagsasanla ng kani-kanilang service firearm sa Bacolod City, Negros Occidental.
Nahaharap sa kasong malversation of public property at grave misconduct sina PO3 Joel Gatcho, PO1 Cheryl Jimena, at PO3 Eugene Tamayo, nakatalaga sa Bacolod City Police Office.
Ayon sa imbestigasyon, ang .9mm glock pistol ni Gatcho ay ginamit ni Ricky Serenio, sumukong tulak, sa tangkang pagpatay noong isang linggo sa magka-live-in na sina Joem Villacuer at Roselyn Distua, ngunit naagaw ni Villacuer ang baril.
Sa pagsisiyasat, natukoy na ang baril ay inisyu kay Gatcho at nabatid na isinanla ito sa tulong ni Jimena, hanggang sa matuklasan na nagsanla rin ng kanyang service firearm si Tamayo. (Fer Taboy)