MATAGAL nang ipinasiya ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang Priority Development Assistance Funds (PDAF) at ang Disbursement Acceleration Program (DAP), subalit nais matiyak ng bagong liderato ng Department of Justice (DoJ) kung mayroon pang mga opisyal ng gobyerno na dapat managot sa bilyun-bilyong pisong pork barrel scam; kung may mga dati at kasalukuyang pinuno na hindi idinawit o talagang hindi isinama sa naturang iskandalo na kinasangkutan ni Janet Lim Napoles.

Magugunita na pagkatapos maisampa ng dating DoJ officials sa Office of the Ombudsman ang first batch ng sinasabing mga kasangkot sa naturang P10 billion pork barrel scam, hindi na ito nasundan ng second batch. Dahil dito, lumutang ang mga haka-haka na nagkaroon ng selective justice hinggil sa kung sinu-sino ang mga pulitiko na dapat sampahan ng demanda.

Maliwanag na ang mg isyung ito ang nais maliwanagan ni DoJ Secretary Vitaliano Aguirre bilang pagsunod sa tagubilin ni Presidente Duterte; nais ng administrasyon na muling sulyapan, wika nga, ang nabanggit na kasuklam-suklam na iskandalo na mistulang gumimbal sa nakalipas na pangasiwaan.

Nakababahala ang pahayag ni DoJ Secretary Aguirre: “Alam ko na sinupress ng DoJ yung evidence against the others.”

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kasabay nito, itinatanong niya kung bakit si Napoles ay kailangang sumuko kay dating Presidente Benigno “Noynoy” Aquino III sa Malacañang noong Agosto 28, 2013 at pagkatapos ay sinamahan pa ni DILG Secretary Manuel “Mar” Roxas II sa Camp Crame sa panahon na si Napoles ay may warrant of arrest kaugnay ng serious detention case.

Hindi na natin dapat pang busisiin ang naturang masalimuot na isyu na maituturing nang “water under the bridge”, wika nga. Ang dapat atupagin ngayon ng bagong pamunuan ng DoJ ay mangalap ng mga ebidensiya hindi lamang laban sa mga dating opisyal ng hinalinhang administrasyon kundi maging ng kasalukuyang mga pinuno na ang karamihan ay mga aktibo pang mga mambabatas. Sa katapatan at kakayahan sa pagtupad sa tungkulin ng kasalukuyang liderato, madali at epektibo nilang maisasampa ang kaukulang mga asunto hinggil sa walang habas na pandarambong ng salapi ng bayan. Malaki ang maitutulong ng Freedom of Information (FOI) bill na naisabatas sa pamamagitan ng isang Executive Order ni Presidente Duterte. Ito ang maglalantad sa mga katiwaliang kinasasangkutan ng kinauukulang mga pinuno, lalo na ng mga nasasakop ng Executive Department.

Dapat lamang tiyakin ng DoJ na wala itong dapat itanggi, tulad ng kanilang ibinibintang sa nakaraang administrasyon.

At sadyang walang dapat paligtasin alang-alang sa paglikha ng isang malinis na gobyerno. (Celo Lagmay)