NEW YORK (AP) — Nahirapan, ngunit nanatiling malinis ang karta ni Angelique Kerber sa kanyang pag-usad sa third round sa women’s single ng US Open.
Nabitiwan ng Australian Open champion ang 4-1 bentahe sa second set, ngunit matikas na naisalba ang tatlong set points tungo sa 6-2, 7-6 (7) panalo kontra Mirjana Lucic-Baroni nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Sa first round, nangailangan lamang ang second-seeded ng 33 minuto para maipanalo ang pitong laro sa first set bago magretiro ang karibal.
May pagkakataon si Kerber, natalo kay Serena Williams sa Wimbledon final,na makamit ang No. 1 ranking depende sa magiging kampanya sa Flushing Meadows.
Naitala naman ni two-time US Open runner-up Caroline Wozniacki na magwagi sa top 10 opponent sa unang pagkakataon sa nakalipas na taon nang gapiin si 2004 champ Svetlana Kuznetsova, 6-4, 6-4.
Samantala, naitala ang pinakamahabang laro sa kasalukuyan sa loob ng dalawa’t kalahating oras sa 6-2, 5-7, 6-2 panalo ni 13th seed Johanna Konta kontra Tsvetana Pironkova.