Nilinaw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon na epektibo pa rin ang total truck ban sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) at walang ipinatutupad na “window hours.”
Ito ang tugon ng MMDA matapos ulanin ng impormasyon ng netizens sa Twitter ang ahensiya kaugnay sa patuloy na pagdaan sa EDSA ng mga truck at nagdudulot ng problema sa trapiko.
Paalala ni MMDA General Manager Thomas “Tim” Orbos, umiiral ang truck ban 24-oras, Lunes hanggang Linggo, sa EDSA magmula Magallanes Interchange sa Makati City hanggang North Avenue sa Quezon City, sa bisa ng Special Traffic Committee resolution na aprubado ng Metro Manila Council (MMC), ang policy-making body ng MMDA.
Sakop din ng truck ban ang central business districts ng Ortigas, Makati at Bonifacio Global City.
Sa ilalim ng umiiral na panuntunan, ang oras ng truck ban sa Metro Manila ay 6:00 ng umaga hanggang 10:00 ng umaga, at 5:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi.
Exempted sa ban ang mga may kargang perishable at agricultural goods/products.
Ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P2,000 at sususpendihin ang lisensiya ng driver na mahuhuli sa ikatlong pagkakataon. (Bella Gamotea)