ABURIDUNG-aburido na ang gobyerno sa lumalalang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Habang nagpapatuloy ang debate sa panukalang emergency power na ipagkakaloob kay Pangulong Digong Duterte, ‘tila wala pa ring mabilisan at konkretong solusyon na agad na mailalatag ang pamahalaan upang matugunan ito at mabawasan ang kalbaryo ng mamamayan araw-araw.
Maraming tahanan ang nawasak dahil sa traffic, marami na ring empleyado ang nasibak dahil sa traffic, marami pa ang posibleng mabaliw dahil dito.
So ano ba talaga ang solusyon, Kuya Eddie?
Kung ating oobserbahan ang mga kaganapan sa mga lansangan, dapat ding sisihin ang mga pasahero sa paglala ng traffic problem.
Madalas kasi nating sisihin ang mga pasaway na driver, lalo na sa hanay ng mga pampublikong sasakyan, dahil sa pabalabag na paghinto ng kanilang mga unit habang nagsasakay o nagbababa ng pasahero.
Totoong maraming PUV (public utility vehicle) driver ang mala-asbestos ang tigas ng mukha dahil sa pagdedma sa “no loading and unloading” policy.
Kapag binubusinahan, sila’y nagbibingi-bingihan.
Kapag tinitigan, titingin naman ang pasaway na driver sa kabilang direksiyon na parang siya lang ang nilalang ng Diyos.
Oo nga’t dapat sisihin ang mga pasaway na driver sa paglala ng problema ng trapiko. Subalit sa tuwing tayo ang magtuturo, dapat nating tandaan na tatlo sa ating daliri ang nakaturo naman sa ating sarili.
Tingnan n’yo ang mga pasaherong nag-aabang ng sasakyan. Hindi ba halos sa gitna ng kalsada sila nakatayo tuwing naghihintay ng masasakyan?
Mabuti kung isa o dalawa lamang ang naghihintay. Ngunit tuwing rush hour, mistulang isang batalyon ang nagkukumpulan sa gitna ng kalye, nag-uunahang makasakay.
Hindi ba nakakaaabala rin tayo sa trapiko kung ganito ang ating asal?
Bakit hindi natin makaugalian ang maghintay ng masasakyan sa tamang lugar, tulad sa mga itinalagang “loading at unloading” zone, bus stop at jeepney stop?
Bukod sa nakaaabala sa mga sasakyan, posible ring humantong sa sakuna ang pag-aabang sa gitna ng kalye.
At kung magulungan ang hinlalaki, kayo pa ang matapang na sumita sa driver.
Disiplina, amigo!
Ito ang kailangan natin upang maisaayos ang traffic at makaiwas sa sakuna.
Masyadong stressful na ang sitwasyon sa Metro Manila. Tama na ang sisihan sa iba at napapanahon na isipin din natin ang pagkukulang natin kung bakit ganito na kalala ang problema sa trapiko.
Kaya pa kaya nating magbago at sumunod sa batas trapiko?
Kapag may disiplina, kailangan pa ba ang emergency power ng Pangulo? (ARIS R. ILAGAN)