House and lot sa Deca Homes, ibinigay kay Diaz.
Tunay na siksik, liglig at umaapaw ang biyaya ng langit kay Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.
Isang two-storey, two-bedroom house and lot ang ipinagkaloob ng 8990 Holdings Inc, sa pamamagitan ng kanilang realty arm Deca Homes sa 24-anyos weightlifting star bilang insentibo sa kanyang tagumpay sa katatapos na Summer Games.
Ang silver medal ni Diaz ang kauna-unahang medalya ng Pilipinas sa Olympics mula nang magwagi ng parehong medalya si boxer Mansueto ‘Onyok’ Velasco noong 1996 Atlanta Olympics.
“Hindi matapos-tapos ang kasiyahan ko. Maraming-maraming salamat po sa Deca Homes at kay PSC Chairman Butch (Ramirez). Hindi ko po ito makakalimutan. Mas iigihan ko pa po para sa isa pang Olympics, sana po gold medal na,” pahayag ni Diaz.
“Para kay Nanay ito,” aniya.
Ipinagkaloob ni 89990 Holdings Inc. Chief Executive Officer Januario Jesus Atencio ang simbolikong susi kay Diaz sa payak na awarding ceremony kahapon na sinaksihan ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez sa PSC administration building sa Manila.
Pinili ni Diaz ang house and lot sa isang subdivision sa Clark, Pampanga.
“For the future. May plano po kasi ang pamahalaan na magtayo ng sports center sa Clark Air base. Mainam na po na doon na rin manirahan ang parents ko para lagi kaming magkakasama,” sambit ni Diaz, isang miyembro ng Philippine Air Force.
Nauna rito, tinanggap ni Diaz ang P5 milyon mula sa Incentives Act, P2 milyon mula kay Pangulong Duterte, P1 milyon mula kay boxing champion at Senador Manny Pacquiao at tig-P500,000.00 mula sa Kongreso at pamahalaang panglungsod ng Zamboanga.
Samantala, magsasama-sama ngayong 9:00 ng umaga ang lahat ng mga stakeholders sa komunidad ng sports sa isasagawang consultative meeting ng PSC sa Century Park Sheraton.
“We invited all of the Senators, the House Sports Committee and other sports personalities together with the media to be part of this crucial undertaking,” sabi ni Ramirez.
Ilan sa inimbitahan sa pagpupulong ang Senate Committee on Sports sa pangunguna ni chair Sen. Manny Pacquiao at Senators Sonny Angara, Joel Villanueva at Gregorio Honasan pati ang House of Representatives Committee on Youth and Sports sa liderato ni Rep. Conrado Estrella III. (Angie Oredo)