Susubukan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sagipin sa death row si Mary Jane Veloso, ang drug convict sa Indonesia na ilang ulit nang nakakaiwas sa bitayan.
Sa susunod na linggo, dadalaw si Duterte sa Indonesia bilang bahagi ng kanyang three-nation swing sa Asia, kung saan susubukan umano niya na matulungan si Veloso.
“Meron rin tayong preso doon marami, drugs, pati si Veloso… I’m praying that I could do something for her,” ayon sa Pangulo sa isang press conference, nang salubungin nito ang overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kahapon.
Si Veloso, Filipina worker sa Indonesia, ay pinatawan ng death sentence sa kasong drug trafficking noong 2010.
Samantala ikinatwiran ni Veloso na ang bagahe na may ilegal na droga ay padala lang sa kanya ng kanyang recruiter.
Hindi nasama sa mga binitay si Veloso noong April 2015 nang sumuko ang kanyang recruiter sa mga awtoridad.
Nais ng mga awtoridad na gawing testigo si Veloso laban sa drug trafficking syndicate.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Duterte sa OFWs na iwasan ang droga. “Avoid drugs at all cost because it could cost your life too,” ayon sa Pangulo. (Genalyn Kabiling)