CAPAS, Tarlac – Isang 34-anyos na lalaki ang natangayan ng P1 milyon ng apat na hinihinalang miyembro ng sindikato ng gold bar sa Sitio Kalangitan, Barangay Cut-Cut 2nd, Capas, Tarlac.

Kinilala ni PO3 Aladin Ao-as ang biktimang si Sammy Ferrer, may asawa, ng Barangay East Poblacion, Pantabangan, Nueva Ecija.

Pinaghahanap ngayon ng pulisya sina Hermogenes Fernandez, Sr., alyas “Waway”, may asawa, ng Bgy. Ditale, Dipaculao, Aurora; alyas “Perla”, alyas “Pedro”, at alyas “Pedring”, pawang nasa hustong gulang, ng Sitio Kalangitan, Bgy. Cut-Cut 2nd, Capas.

Napag-alaman na hinikayat ni Fernandez si Ferrer at ang kaanak nito na bumili ng gold bar sa tatlo pang suspek sa Sitio Kalangitan, at ang sample ng gold bar ay sinuri at napatunayang totoo.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Sinabi ng biktima na uuwi muna siya sa Nueva Ecija para kumuha ng pera at bumalik makalipas ang dalawang araw para bilhin ang gold bar.

Gayunman, napatunayan ni Ferrer na peke ang gold bar na iniabot sa kanya ng mga suspek at binayaran niya ng P1 milyon, ngunit hindi na niya mahagilap ang mga ito. (Leandro Alborote)