Hindi pa huli para sa Rain or Shine.
Bago pa tuluyang malubog sa ilalim ng team standings, nagdesisyon ang pamunuan ng Elasto Painters na palitan ang kanilang import na si Dior Lowhorn para patatagin ang kampanya sa 2016 OPPO-PBA Governors cup.
Mas bata ang bagong reinforcement ng ROS sa katauhan ng 26-anyos na si Greg Smith .
Ayon kay coach Yeng Guiao, si Smith ay may taas na 6-6 sa US measurement. Kasama na ito sa ensayo ng Painters mula nang dumating noong Lunes ng hapon.
Isa umanong inside-outside player si Smith na nakasanayang maglaro bilang small forward para sa Colorado State Rams sa US NCAA.
Sumabak ito sa 2013 NBA Rookie Draft, ngunit hindi pinalad na makakuha ng koponan.
Iginiit ni Guiao na isang all-around player si Smith na akmang-akma sa sistema ng ROS.
Nakatakdang makaliskisan ang bagong import sa pagsabak ng Rain or Shine kontra Mahindra bukas sa Smart Araneta Coliseum. (Marivic Awitan)