Daniel at Kathryn copy

MEDYO na-delay ang grand presscon ng pelikulang Barcelona: A Love Untold dahil halos umaga na palang na-pack-up ang shooting ng buong cast at hindi na kinayang dumalo ni Direk Olive Lamasan dahil bumigay na ang katawan niya.

Sa Barcelona, Spain pa lang ay sagad-sagaran na ang shooting nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo kaya bumilib sila nang husto sa kanilang director.

“Bilib kami kay Inang (Direk Olive), ang taas ng energy,” kuwento ni Daniel. “Ilang taon na ba si Inang? Inang is 52, di ba? Araw-araw kaming nagpupuyat and still ‘yung energy niya nandoon pa rin, hindi siya bumabagsak, kapag may break ay kailangan niyang magpahinga, pero kapag take na, hindi bumabagsak ang energy niya. Wala na kaming masabi kundi, ‘Salamat, Inang at ginawa mo pa rin itong pelikula namin, binigyan mo pa rin kami ng touch mo’. The magic touch of Inang,”

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Ano ang natutuhan nila kay Direk Olive?

“Siguro ‘yung lagi ka dapat gutom sa craft mo, hungry ka lagi sa craft mo at never kang tatamarin dahil ‘pag tinamad ka, wala na. ‘Yun ang laging sinasabi,” sagot ni Daniel.

“Ako naman ‘yung pagiging totoo sa emosyon,” sabi naman ni Kathryn, “hindi ‘yung iaarte mo lang ‘yung emosyon. Kasi kung pupunta ka sa deeper level mas magiging mas totoo ‘pag napanood ng tao, mas makaka-relate sila, at walang makakatalo ro’n ‘pag pinakita mo ‘yung totoong emosyon. Hindi siya madaling makuha, pero once na nakuha mo na, mas mararamdaman mo rin na tama.”

Inamin naman ng magka-love team na maraming beses silang napagalitan ni Direk Olive sa shooting para ma-perfect ang mga eksena, kaya hindi naman sumama ang loob nila.

Sino ang mas madalas mapagalitan?

“Pareho kami ni Kath, may kahinaan ako, may kahinaan din siya, oo napapagalitan kami kasi si Inang naman may dahilan talaga siya kapag nagalit at alam mong mali ka, kaya wala kang karapatang magsabi talaga ng kahit ano kasi mali ka, at si Inang kasi is very professional. At kapag dumating ka sa set, be professional, be ready,” paliwanag ni Daniel.

Limang taon na ang KathNiel partnership, ano ang masasabi nila na ni minsan ay hindi sila naipareha sa iba?

“Siguro ‘yung hanggang ngayon na narito kami para sa isa’t isa sa five years na ‘yun, solid pa rin kami at walang makakasira nu’n,” mabilis na sagot ng dalaga.

“Siguro ‘yun din,” salo ni Daniel, “five years na samahan namin, habang buhay na pagsasama namin, kundi ang mismong KathNiel. Imagine, limang taon at hanggang ngayon, patigas pa rin kami nang patigas. Alam mo ‘yun, maraming salamat sa lahat ng tao at kay Kathryn dahil ang galing, eh, limang taon at wala kaming hinahanap na sinuman, masaya lang kami.”

Ano na ang estado ng relasyon nila ngayon, opisyal na ba silang magkarelasyon?

“’Di ko masasabing ‘kami’, pero ganu’n na rin ang dating siguro, puwede na ba sa inyo ang sagot na ‘yun?” nakangiting sagot ng aktor sabay titig sa amin.

At ang reaksiyon ni Kathryn: “Ganu’n naman na, kahit hindi namin sabihin, parang naiintindihan na ng mga tao at respeto nila sa aming dalawa na hindi na magtanong. Si DJ kasi will always have a special place in my heart.”

Samantala, habang ginaganap ang presscon ay laging nakahawak si Daniel sa tuhod ni Kathryn bilang pagprotekta sa dalaga dahil baka raw masilipan.

Reaksiyon ni Kath, “As a woman masarap ‘yung pakiramdam na may nag-aalaga sa ‘yo, feeling protected ka kapag nandiyan si DJ, nararamdaman ko. And hindi kasi lahat ng lalaki ganu’n. Ang konti na lang ng natitirang ganu’n na lalaki and I’m very happy kasi si DJ nakikita ng mga kabataang lalaki na dapat respetuhin nila ang babae para makuha mo rin ang respeto ng babae.”

Anyway, may pasabog ang KathNiel sa Barcelona: A Love Story Untold dahil nadulas ang aktres na may kissing scene na sila ni DJ rito. Never pa silang nagkaroon ng kissing scene sa past movies nila, kaya inusisa ng mga katoto kung ilang beses ba itong nangyari sa Barcelona. Ang problema, iniligaw ni Daniel ang sagot.

“I think sa KathNiel fans, magugulat sila kasi maninibago sila sa amin ni Kathryn, kasi ang layo sa mga nagawa na namin. Ibang-iba ito sa Crazy Beautiful You, sa She’s Dating A Gangster, ang layo na nu’ng characters namin doon.

Pati nga paglalakad ni Kathryn talagang binantayan ni Inang, pati posture, talagang mabibigla ang mga manonood.”

So, ilan nga ba ang kissing scene nila?

“Siguro ito na ‘yung movie na maibabalik namin sa five years na suporta sa amin ng fans. Ito na siguro ‘yung regalo namin sa kanila,” nakangiting sagot ng binata. “Baka lang mag-expect kayo, mas mabuting panoorin n’yo na lang.”

Habang sinusulat naming ito, umabot na sa mahigit isang daan, and still counting, ang block screening ng Barcelona:

A Love Untold na sponsored lahat ng KatNiel supporters mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Sana lang hindi ito mapirata dahil sayang naman ang pagod ng buong Barcelona team. (REGGEE BONOAN)