Walang problema kay Pangulong Rodrigo Duterte kung ilulutang ni US President Barack Obama ang isyung human rights sa kanilang pag-uusap sa Laos sa susunod na linggo.
Pero sa kabila nito, igigiit umano ni Duterte na pakinggan siya ni Obama.
“I would insist ‘Listen to me, this is what the problem is,’ then we can talk about human rights. No problem,” ayon kay Duterte.
Ang dalawang lider ay dadalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa Laos mula Styembre 6 hanggang 8.
Sinabi ng White House na kakausapin umano ni Obama si Duterte at ilulutang ang human right concerns, kaugnay sa matinding kampanya ng Pilipinas laban sa droga.
“He could wish any topic at all. I am ready to talk to him,” ayon naman sa Pangulo nang i-welcome nito ang Filipino workers mula sa Saudi Arabia sa Ninoy Aquino International Airport terminal 2. (Genalyn Kabiling)