Hindi lamang sa hidwaan ng Ateneo at La Salle ang konsentrasyon ng mga tagahanga sa UAAP basketball. Inaabangan na rin ang banggaan ng defending champion Far Eastern University at ng DLSU Archers.

At tiniyak ng liderato ng pamosong collegiate league na patok sa takila ang FEU-La Salle sa pagbubukas ng Season 79 sa Setyembre 4 sa Araneta Coliseum.

Magaganap ang salpukan ng dalawang koponan sa ikalawang playing day sa Setyembre 7 sa MOA Arena.

Ang antisipasyon sa laro ay mainit na inaabangan dahil sa naganap na gusot sa tune-up game kamakailan sa San Juan Arena.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“For sure, lahat naman ng ginagawa ng mga teams dito, may purpose. On that particular game, tingin ko ang gusto nilang mangyari ay maging agresibo at ready naman kami,” pahayag ni La Salle coach Aldin Ayo.

“Hindi ko nagustuhan ‘yung sinabi ni (Nash) Racela. The mere fact na sinabi niya ‘yan na wala namang nagtatanong sa’yo, iniisip niya ‘yun. Hindi ko nagustuhan ang statement na ‘yun. I mean hindi naman tinatanong pero ‘yun ang sinabi mo, kinakabahan ka du’n.” aniya.

Kilalang mapagkumbaba at maginoo, nagkibit-balikat lamang si FEU coach Nash Racela.

“We don’t focus on personalities. We just make sure we’re ready to compete.”

Ngunit, hindi maitago ni Ayo, ang dating coach ng Letran na sinasabing iniwan nito dahil sa personal na kadahilanan matapos mapagkampeon sa NCAA noong isang taon, ang matinding kagustuhan na makaharap ang Tamaraws at si Racela sa basketball court.

“I’m excited to play FEU kasi hindi natapos ang tune-up game namin,” aniya.

“We’re excited to play every team but La Salle para matapos na rin yung game namin,” tugon naman ni Racela.

(Marivic Awitan)