Nakatutok ang mga mata ng mga immigration officer (IO) at travel control and enforcement unit sa mga pabalik na overseas Filipino workers (OFW) na walang kaukulang dokumento upang mapanagot ang mga opisyal na kasabwat ng mga sindikato ng human trafficking.
“We will be unforgiving in going after the bad eggs in our rank and file who connive with human traffickers and illegal recruiters in preying on our Filipino women,” wika ni Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente.
Naglabas ng kautusan si Morente sa mga tauhan nito sa mga paliparan at daungan na usisaing mabuti ang mga pabalik na OFW matapos maharang sa Ninoy Aquino International Airport ang limang Pinay na nagtrabaho bilang mga entertainer sa South Korea na nakaalis nang walang work permits mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).
Inamin ng mga ito na sumakay sila ng barko patungong Malaysia mula Zamboanga City noong nakaraang taon sa tulong ng illegal recruiters at ng ilang IO. Pagdating sa Malaysia ay doon ibinigay ng kanilang “contact” ang kanilang mga entertainer visa para sa South Korea. (Mina Navarro)