ZAMBOANGA CITY – Nagbabala ang Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom) sa mamamayan ng Sulu at Basilan na huwag tulungan o bigyan ng proteksiyon ang sinumang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) dahil determinado ang militar na durugin ang grupo, kabilang na ang mga nagkakanlong sa mga bandido.

“Kung sinuman ang humarang o tumulong sa ASG, sasagasaan kayo ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines,” sabi ni AFP-WestMinCom Chief Lt. Gen. Mayoralgo dela Cruz.

Aniya, magpapatuloy ang pinaigting na operasyon ng militar sa Sulu at sa Basilan upang mapalaya sa Abu Sayyaf ang dalawang lalawigan at maibalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente roon.

“What you see is just the tip of the iceberg, more troops, more equipment and more firepower will be committed to destroy the ASG in Sulu and Basilan,” ani Dela Cruz.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ni Dela Cruz na hindi sila nawawalan ng loob sa pagkakapaslang sa 15 sundalo at pagkakasugat sa mahigit 12 iba pa sa Patikul, Sulu nitong Lunes.

Nagdagdag pa ang gobyerno ng 750 sundalo sa Sulu upang tulungan ang 10 batalyon ng mga sundalo na nakikipagbakbakan sa ASG sa lugar, na nalagasan na ng 30 simula nitong Agosto 26.

Sa kabila ng pagpapatuloy ng bakbakan sa Sulu, sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na kailangang magdeklara pa ng state of emergency sa probinsya dahil “the magnitude of the trouble there does not warrant anything except the industry of the AFP,” aniya. (NONOY E. LACSON at GENALYN D. KABILING)