Mga Laro Ngayon
(San Juan Arena)
2 n.h. -- Perpetual vs Arellano
4 n.h. -- Mapua vs San Beda
Mapanatili ang kapit sa top two spots ang asam ng Arellano University at San Beda College habang palakasin ang tsansa na makahirit sa Final Four ang hangad ng University of Perpetual Help sa pagpapatuloy ng aksiyon ngayon sa NCAA Season 92 men's basketball tournament sa San Juan Arena.
Isang panalo lamang ang agwat ng namumunong Red Lions sa pumapangalawang Chiefs na kasalukuyang nasa second spot taglay ang 10-2 karta.
Hindi naman nalalayo sa ikatlong puwesto hawak ang barahang 9-3 ang University of Perpetual Help, na makakaharap ng Chiefs sa unang laro sa ganap na 2:00 ng hapon.
Magtutuos naman ang Mapua Cardinals at Red Lions sa ganap na 4:00 ng hapon.
Inaasahang dikdikan ang labanan ng apat na koponang kabilang sa kasalukuyan sa Top 4 lalo pa't umiinit din ang kampanya ng mga sumusunod sa kanila na nagnanais ding makatuntong ng Final Four.
Hawak ang barahang 7-5, nagbabanta sa likuran ng Cardinals ang Jose Rizal University Heavy Bombers (7-6) gayundin ang defending champion Letran (6-7), Lyceum (5-8) ,ang rumaragasang San Sebastian College (5-9) at EAC Generals (4-9).
Importante ang bawat laro higit sa San Beda at Arellano na naghahangad ng twice-to-beat incentive sa top two team sa Final Four.
Hindi naman basta papayag ang Altas na may tsansa pang sumingit sa dalawang koponang nasa itaas kung maipaghihiganti nila ang nalasap na 78-83 kabiguan sa Chiefs sa first round. (Marivic Awitan)