Nanindigan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na ang aborsyon ay kasing-sama rin ng summary killings.
Ayon kay Tagle, marami ang nababahala sa extrajudicial killings sa bansa ngunit dapat din aniyang mabahala ang lahat sa mga kaso ng aborsyon.
“Many are worried of extrajudicial killings and we should be… But I hope we’re also worried about abortion. Why are only few people speaking out against abortion? That’s also murder!” ani Tagle, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
Iginiit rin ng Cardinal na ang buhay ay sagrado at dapat lamang itong protektahan sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng yugto nito at anumang kondisyon.
“Be consistent to promote whole or integral life. Let us not be selective,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Tagle na lahat ng uri ng pagpatay, mula sa summary executions ng mga hinihinalang kriminal hanggang sa paglalaglag ng mga sanggol, ay dapat na kondenahin.
Nanindigan din ang Cardinal na maging guilty man o hindi ang isang tao sa mga krimeng ibinibintang dito ay dapat pa ring respetuhin at protektahan ang kanyang buhay upang mabigyan ng pagkakataong magbago. (Mary Ann Santiago)