Respeto sa bawat isa ang pinaiiral ni Senate President Aquilino Pimentel III at hindi ang pag-iwas sa bangayan sa pagitan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Leila de Lima.
“Hindi naman ako tahimik, I’m just respectful,” ani Pimentel nang tanungin kung bakit umiiwas siya sa isyu ng Pangulo at ni De Lima.
Sinabi pa nito na bilang chairman ng Committee on Justice and Human Rights, alam ni De Lima ang kanyang ginagawa sa pagdinig ng Senado sa extrajudicial killings.
Ang imbestigasyon ni De Lima ay ikinagalit ni Duterte at bumalik ang kanyang alaala ang pagpapaimbestiga sa kanya ni De Lima noong alkalde pa siya sa Davao.
Nauna nang sinabi ni Senator Panfilo Lacson na kailangan nang mag-usap ng mga senador kung dapat isalang sa Ethics committee si De Lima, matapos itong idiin ng Pangulo sa illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP).
(Leonel M. Abasola)