Wala mang sapat na kahandaan mula sa lokal tournament, matikas na nakihamok ang Pinoy mountain biker na sina Ariana Dormitorio at Eleazar Barba, Jr. para makamit ang gintong medalya sa UCI Asia Mountain Bike Series’ Leg 1 kamakailan sa Ranau, Sabah, Malaysia.

Ipinamalas ni Dormitorio ang kakayahan sa women’s elite cross country Olympic competition habang dinomina ni Barba ang men’s elite downhill race.

Tinahak ng 20-anyos na si Dormitorio ang kabuuang 16.4 kilometer course sa kabuuang 1:16:58 tyempo upang talunin ang local star na sina Mohd Radzi Masziyaton (1:24:56) at Zainal Abidin Nur Assyira (1:36:49).

Nagpasalamat si Dormitorio sa suporta ng mga kababayan na nanood sa kanyang laban para maungusan ang beterano at National champion na mga karibal.

'Rest well my friend!' EJ Obiena, may tribute para kay Mervin Guarte

Hindi ininda ni Dormitorio ang pagsemplang sa ikalimang ikot nang karera upang mahabol ang mga kalaban at maitala ang malayong abante sa finish line.

“I was surprised at the steep climb of the first lap. I was able to grab a big lead already despite the moderate pace I was doing. I just took that opportunity and never looked back. I believed our intensive training specific for this race prepared me really well,” pahayag ni Dormitorio sa kanyang Facebook account.

“I was trailing at the start but I just stayed with the plan my Coach/Dad (Donjie) laid out for me, which was to be just 90 percent at the first 2-3 laps of the 5-lap race since it was very tough course,” aniya.

Nadomina naman ng 28-anyos na si Barba ang mga karibal sa 3.1 kilometrong downhill competition sa pagtala ng 2:53:23 kontra sa Malaysian na sina Norshahriel Haizat Ahmed Nazali (3:05:13) at Muhamad Aim Fauzi (3:05:19).

Nagkasya naman si Jun Duron sa pilak para dagdagan ang iniuwi ng Pilipinas sa pagtapos sa ikalawang puwesto sa 13-kilometer Masters-A cross country event. Nakumpleto nito ang karera sa 1 minuto at 16 segundo. (Angie Oredo)