Nanindigan si Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada na hindi ningas-kugon lamang ang isinasagawa nilang road clearing drive sa lungsod.
Ang pahayag ay tugon ng alkalde sa kilos-protesta na inilunsad sa city hall ng daan-daang vendors na naapektuhan ng ipinatutupad na zero vending policy ng Manila City Government kahapon ng umaga.
Tiniyak ng alkalde na sa loob ng susunod na tatlong taon ay magtutuluy-tuloy ang kanilang operasyon sa Maynila.
Sa katunayan aniya ay bumili pa sila ng anim na bagong dump trucks, na nagkakahalaga ng P17.7 milyon upang mapabilis ng Department of Public Services (DPS) ang isinasagawa nilang road clearing operations.
Dakong 9:00 ng umaga kahapon nang simulan ng United Vendors Alliance ang kilos-protesta sa Manila City Hall.
Nagbitbit pa ang mga vendor ng ‘kabaong’ upang ipakita ang kanilang pagtutol sa zero vending policy sa Maynila at bilang simbolo nang pagpatay ng Manila City government sa kanilang kabuhayan.
Matatandaang sunud-sunod ang isinasagawang clearing operations ng DPS laban sa mga vendor sa Divisoria, Raon, Taft Avenue, Sta. Cruz, Pedro Gil, Quiapo at iba pang lugar sa lungsod. (Mary Ann Santiago)