MARAWI CITY – Walang kahit isa sa barangay level hanggang sa mga opisyal ng Lanao del Sur ang hayagang kumontra o kumondena sa ideyolohiya ng Islamic State of Iraq and Syria (IS) sa nakalipas na mga taon, noon pa mang simulan ang sekretong paghimok ng mga tagasuporta at kahit ngayong katatapos lang maglunsad ng mga pagsalakay ang mga grupong terorista, sinabi kahapon ng mga residente.
Ito ang himutok ng mga residente kasunod ng pag-amin ng lokal na awtoridad na hindi makausad ang imbestigasyon nito sa pagsalakay ng Maute terror group, na tagasuporta ng ISIS, sa isang piitan nitong Sabado upang itakas ang walong miyembro nito, dahil walang gustong tumestigo sa insidente.
“No one is willing to come out and help us build a case against the gunmen behind the daring attack,” sabi ng isang miyembro ng Lanao del Sur inter-agency provincial peace and order council.
Sa nasabing pag-atake, sinalakay ng 50 armadong miyembro ng Maute ang bilangguan at dinisarmahan ang mga jail guard para maitakas ang walong kasamahan na nadakip nitong Agosto 22, na sinamantala naman ng 20 iba pang bilanggo para makapuga.
Sa magkakahiwalay na panayam ng may akda kahapon, iisa ang paniniwala ng mga residente—kabilang ang mga Maranao cleric, mga propesyunal, at mga mamamahayag dito—na ang kawalan ng pakialam ng mga lokal na opisyal ang pangunahing dahilan sa mistulang hindi na mapipigilang pagkalat ng ideyolohiyang ISIS sa Lanao del Sur.
“Our elected officials have been passive. This is disturbing. Not one of them has ever condemned or at least spoken against IS ideology or the different atrocities staged by militant followers in the province for years,” sinabi ng isang nagpakilala sa pangalang Ustaz Saif Khalid.
May-ari ng isang maliit na madrasa (Arabic and Islamic school) dito, sinabi ni Khalid na ilang madaris sa lalawigan ang nagsimula nang mapasok ng mga gurong may impluwensiya ng ISIS simula noong 2010, at ipinagbigay-alam na nila ito sa mga lokal na opisyal ng lalawigan.
“But they (officials) kept the information under wrap. They refused to talk against recruitment of IS followers for fear of developing rido (tribal vendetta) with the aggressive recruiters,” aniya. (Ali G. Macabalang)