JC copy

SADYANG inabangan namin ang pilot episode ng ng bagong kilig-serye nina James Reid at Nadine Lustre na Till I Met You sa ABS-CBN handog ng Dreamscape Entertainment na idinidirek nina Antoinette Jadaone at Andoy Ranay.

Sa umpisa pa lang ay buo na ang kuwento, malinaw ang pagkakalatag kung sinu-sino o anu-ano ang karakter nina Carmina Villaroel, Angel Aquino at Pokwang kasama ang mga anak nilang sina JC Santos bilang si Alejandro o Ali at Nadine as Iris.

Pati sina Richard Yap at Jay Manalo sa kani-kaniyang cameo role.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Si Robert Seña naman ang military general na asawa ni Pokwang at ama ni JC o Alejandro/Ali.

Palaisipan naman kung bakit nawala si Zoren Legaspi bilang boyfriend ni Carmina nang mabuking na pinagsabay-sabay silang tatlo nina Angel at Pokwang kaya sila naging best friends.

Malinaw sa istorya na si Jay ang ama ni Nadine o Iris at si Richard naman ang pinakasalan ni Carmina as Cassandra na ilang buwan pa lang ikinasal ay binawian na ng buhay.

Childhood best friends sina Iris at Ali dahil nga magkaibigan ang mga nanay nila bukod pa sa protector ng una ang huli.

Gusto ni Robert na pumasok din sa Philippine Military Academy (PMA) ang anak at maging opisyal sa militar na tulad nito, pero iba ang hilig ni Alejandro, gusto niyang maging chef na bata pa lang ay hilig na niya.

Unang episode pa lang ay buking na ang katauhan ni JC dahil nang papiliin siya ng daddy niya ng poster bilang premyo sa pagtatanggol niya kay Nadine ay si James Dean ang kanyang pinili para i-display sa kuwarto niya, na labis ikinataka ng ama dahil hindi naman daw ito action star kundi ‘pogi’ lang.

Ang ganda ng facial expression ni JC habang hawak-hawak niya ang poster ni James Dean na nakamotor, may suot na shades at leather jacket.

Sa teaser pagkatapos ng pilot, mukhang pinipilit labanan ni Ali/JC ang nararamdaman dahil nag-I love you siya kay Nadine, hindi pa nga lang malinaw kung romantically in love siya o bilang best friend.

Sa pagtatapos ng pilot episode, bago yata tumulak patungong (PMA) si Ali, ipinakitang nag-browse siya sa kanyang laptop at nakita niya sa YouTube si James Reid na naka-leather jacket, naka-shades at bumaba sa motorsiklo kaya napatingin siya sa poster ni James Dean.

Magdedesisyon si Ali na ayaw niyang maging sundalo, mas gustong maging chef, at nabanggit niya ito kay Iris/Nadine na may scholarship pala sa Greece at niyaya ang kababata para doon mag-aral ng culinary.

Ipinakita rin sa teaser ang episode (na napanood na kagabi) na pasok na sa kuwento si James bilang si Basti na naka-base sa Greece.

Ang ganda ng pagkakabuo sa karakter ni Ali dahil hindi lang siya basta sumulpot sa kuwento para maging kontrabida kaagad kina Iris/Nadine at Basti/James. Malaki ang parte niya sa Till I Met You dahil isa siya sa mga bida.

Nakitaan ng kilig sina JC at Nadine habang sumasayaw sa awiting Friend of Mine nang manalo silang King and Queen sa prom nila.

Alagang-alaga ang character ni Ali at tiyak na mamahalin ng manonood ang karakter niya hindi katulad ng karakter dati ni Albie Casino as Jigs sa On The Wings of Love (OTWOL) na unang karelasyon ni Lea bago napunta kay Clark. Baguhan lang pero tiyak na sisikat agad si JC Santos sa seryeng ito.

Sabi nga ni Bossing DMB, consistent si Direk Tonet sa style ng pagdidirek na una niyang ipinakita sa super hit na OTWOL. Sinabi rin ng senior stars na kasama sa serye na napakagaling talagang magpakilig ni Direk Tonet dahil madadala o mararamdaman mo ang emosyon ng mga bida.

Curious kami kung ano ang ratings ng unang gabi ng Till I Met You dahil halos lahat ng kapitbahay namin ay ito ang pinanood bukod pa sa mga post sa social media. (REGGEE BONOAN)