Muling magtatangka si Women International Master (WIM) Janelle Mae Frayna na masungkit ang kanyang ikatlo at huling norm para maging pinakaunang Woman Grandmaster ng bansa sa pangunguna nito sa women’s team na sasabak sa World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.

Makakasama ni Frayna ang pinakamalakas na binuong koponan sa kababaihan na sina Woman International Master Janelle Frayna, Catherine Secopito, Jodilyn Fronda at Woman Fide Master Shania Mae-Mendoza pati na si WNM Christy Lamiel Bernales.

Si Frayna ang siyang tatao sa Board 1 habang nasa Board 2 si Fronda at Board 3 si Bernales. Nasa Board 4 naman si Mendoza at nasa Board 5 si Secopito.

“I have so much lesson’s learn from that experience,” pahayag ng 19-anyos na FEU Psychology Cum Laude candidate patungkol sa kanyang huling kampanya sa World tilt.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“God willing po, makuha na po sana sa Baku. But come what may, mag-enjoy kami rito,” aniya.

Kagagaling lamang ni Frayna sa pagtatala sa pinakamataas na puwesto ng isang Pilipinang woodpusher sa World Juniors Chess Girls division sa pagtabla sa ikaapat na puwesto kung saan aminado ito na lubha itong nalula sa huling tatlong round.

“First time ko po na nag-lead ako ng 10-rounds, tapos international tournament pa at world caliber ang mga kalaban kaya medyo hindi talaga ako sanay sa situwasyon,” sabi ni Frayna.

Kailangan ni Frayna na makapagtipon ng anim na puntos mula sa 9 na round o makaharap at biguin ang tatlong WGM upang awtomatikong masungkit ang asam na huling norm.

Nakatakdang lumarga ang koponan bukas kasama sina James Infiesto na siyang non-playing team captain sa mga lalaki at NCFP Executive Director at GM Jayson Gonzales na siyang hahawak sa mga kababaihan. (Angie Oredo)