BILANG pagsuporta sa kampanya ng gobyerno laban sa ipinagbabawal na gamot ang kusang pagpapa-drug test ang mga alagang artista ng Star Magic.
Kahit family day, sumugod ang mahigit sa 40 talents ng Star Magic sa mismong ABS-CBN compound para sa isinagawang drug test.
Ginawa ang voluntary drug testing upang pabulaanan ang intriga na may mga artista silang gumagamit ng illegal drugs.
Ayon kay Ms. Thess Gubi, public relations head ng talent development and management arm ng Kapamilya Network, isang tawag lang daw sa mga talent nila ay isa-isa nang nagsidatingan ang mga ito.
Ikinatuwa ring ibinalita ni Ms. Gubi na 100 percent sa talents nilang nagpa-drug test ay negatibo.
So nakakatiyak na si Madam Thess na wala ni isa man sa mga taga-Star Magic ang kasama sa listahan ng drug personalities sa showbiz.
Very ironic lang na pinuputakti ng bashers sa social media ang Star Magic. Nagkusa na nga ng initiatives ang mga namamahala ng Star Magic, pero kung anu-anong mga paninira ang sinasabi ng bashers.
Manipulated daw at may halong kalokohan ang pagpa-drug test ng Star Magic talents.
Banggit sa amin ng isa naming source sa Dos, more than willing at handang-handang mag-undergo ng further test ang lahat ng talents kung hihilingin ng gobyerno para mapatunayan sa lahat ng mga nagdududa na walang kalokohan sa isinagawang drug testing last August 29.
“Sigurado akong mapapahiya ang kung sinumang may pakana na naman sa paninira sa mga talents namin. ‘Di kasi nila kayang gawin ‘yun sa mga talents nila,” sey ng ABS-CBN insider na ayaw magpabanggit ng pangalan.
Samantala, maugong ngayon ang balitang may drug matrix din daw na ilalabas si Pangulong Duterte sa mga artista at media personalities na diumano’y sangkot sa ipinagbabawal na gamot na papangalanan daw sa mga susunod na araw.
(JIMI ESCALA)