Naglabas na ng drug matrix ang Eastern Police District (EPD) kaugnay sa isang grupo na nagmamanipula ng halos 70 porsyento ng transaksyon sa ilegal na droga sa lungsod ng Marikina, Pasig, Mandaluyong, at San Juan.

Sentro ng nasabing matrix ang isang “Amin Boratong” na sinasabing nagtatag ng Pasig shabu Tiangge sa Mapayapa Street, Barangay Sto. Tomas sa Pasig noong 2009 at kasalukuyang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP), ayon kay EPD Director Romulo Sapitula.

At dahil nakakulong na si Amin, ang kanyang kapatid, si “Ama Boratong”, katuwang ang kanilang ama na si Datumanong alias “Andog”, ang namamahala sa operasyon, paliwanag ni Sapitula.

Ayon kay Sapitula, sina “Mac Mac” at “Orak” ang tumatayong hitman ng grupo, habang si Mac Mac ay may sariling mga hitman, at isa na rito ang kanyang pamangkin na lalaki na isa rin umanong drug dealer.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Sa ibabang bahagi ng matrix ay ang mga hitman na nakikipag-ugnayan sa mga leader at iba’t ibang tulak ng ilegal na droga na konektado sa grupo—na ang lima sa mga ito ay napatay sa magkakahiwalay na shootout simula noong Hulyo.

“Ang lahat ng ito nakuha natin through investigation and information gathering kasi lahat ng killings natin, merong isang team na galing sa District Investigation and Detective Management Division (DIDM) na nag-iimbestiga...si Boratong ang may akda ng Pasig shabu tiangge... May mga pusher sila...may kanya-kanyang hitman. Since hindi na makapagdeliver yung mga pusher, niliquidate nila,” pahayag ni Sapitula.

“Itong matrix na ito just only shows that there are no vigilante killings. The members of the drugsyndicates are killing each other,” dagdag niya. (JENNY F. MANONGDO)