Tatlong Pinoy ang nakapila ngayon sa bitayan sa China dahil sa ilegal na droga, ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Perfecto Yasay Jr.

Sa pagdinig ng House Appropriations Committee, kung saan isinalang sa briefing ang panukalang badyet ng DFA, sinabi ni Yasay na nahaharap sa death sentence ang mga hindi pinangalanang Pinoy.

“They have not been scheduled for execution,” paglilinaw naman nito.

Sa iba’t ibang panig naman ng mundo, umaabot na sa 2,492 Pinoy ang nililitis sa kaso na may kaugnayan din sa droga.

Sen. Kiko, tinutulan visa-free policy sa mga Chinese national

Pitong Pinoy naman sa Saudi ang nakakulong dahil sa kaso ng pagpatay.

Ang nasabing bilang ng mga Pinoy na nahaharap sa mga kaso sa abroad ay nangangailangan umano ng tulong na legal.

Sa kasalukuyan, mayroon umanong P100 milyong legal defense fund ang DFA.

Sinabi ni Yasay na sapat ang nasabing pondo para mabigyan ng legal assistance ang mga kababayang may kaso sa labas ng bansa.

Ang DFA ay pinagsusumite ng komite ng kumpletong datos upang busisiin kung may sapat itong pondo para tugunan ang pangangailangan ng mga Pinoy sa abroad na nahaharap sa legal na usapin. (Charissa Luci)