Binatikos ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang nakaraang administrasyon sa aniya’y “nakakahiya” na ginawa nito sa rehabilitasyon ng mga sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’ sa Tacloban City, Leyte, ang pinakamatinding naapektuhan ng pinakamapinsalang bagyo sa kasaysayan.

Ilang sandali makaraang libutin ang mga relocation site sa siyudad nitong Sabado, sinabi ng dismayadong kongresista sa mga mamamahayag: “Nakakalungkot dahil nakakahiya ‘yung ginawa ng gobyerno.”

Libu-libo ang nawalan ng tirahan sa pananalasa ng Yolanda noong Nobyembre 8, 2013, at ang malaking bahagi ng kabuuang 6,300 nasawi ay naitala sa Tacloban.

Mula sa mga tent city, inilipat ang sinalanta sa mga bunkhouse na ipinatayo ng gobyerno na una nang napaulat na maraming problema.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

“Ang naging problema pala hindi rin nila binigyan ng tubig at kuryente ‘yung mga relocation sites. So, kailangan nating iayos ito,” aniya.

“Ikumpara mo doon sa ginawa nung mga NGO, ang layo, eh, layong maganda. Ngayon, tanong ko sa sarili ko, bakit nagkaganito?” ani Alvarez.

Sinabi ni Alvarez na ipauubaya na niya kay Leyte 2nd District Rep. Henry Ong ang pag-iimbestiga sa palpak na rehabilitasyon at kung paano ginastos ang Yolanda disaster funds. (Ellson A. Quismorio)