Hiniling ng mga senador sa Kongreso na bigyan ng pagkakataon ang bagong Sangguniang Kabataan (SK) law na gumana, sa halip na buwagin.

“Let’s give the new Sangguniang Kabataan (SK) a chance to produce a young generation of heroes,” ayon kay Sen. Bam Aquino.

Sinabi rin ni Aquino na mawawalan ng saysay ang SK kung ibibinbin ng matagal ang SK elections.

Ang pahayag ni Aquino ay base na rin sa pagpabor ni House Speaker Pantaleon Alvarez na buwagin ang SK at kagawad system.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Nais ni Aquino na maipagpatuloy ang SK Reform Act na isinulong niya sa 16th Congress, sapagkat nakapaloob umano dito ang kauna-unahang anti-dynasty provision. Binago rin ang edad ng SK officials mula sa dating 15-17 hanggang 18-24.

“It would be a disservice to the Filipino youth to remove the SK, the only grassroots program for the youth of government. The SK Reform Law has new features that addresses the flaws of the old SK Law,” ayon naman kay Sen. Joseph Victor ‘JV’ Ejercito.

Hindi naman naniniwala si Sen. Juan Edgardo Angara na susuportahan ng mga senador ang panukala ni Alvarez.

Sa Mababang Kapulungan, nag-umpisa nang lumutang ang mga kongresista na pabor sa abolisyon ng SK.

Sa iba pang ulat, pansamantala namang itinigil ng Commission on Elections (Comelec) ang pag-iimprenta ng mga balota na gagamitin para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ang desisyon ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais niyang maipagpaliban ang halalang orihinal na nakatakdang idaos sa Oktubre 31, dahil sa pangambang perang mula sa illegal na droga ang gagamitin ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya.

“As you know, it seem that it’s already a consensus between the President and Congress to postpone the barangay and SK elections. We deemed it prudent to first suspend the ballot printing,” ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista.

Gayunman, muli umanong ipagpapatuloy ng Comelec ang ballot printing sa Setyembre 1, kung mabibigo ang Kongreso na maglabas ng batas na tuluyang magpapaliban sa halalan. (Hannah Torregoza at Mary Ann Santiago)