Muling magbabalik sa ibabaw ng lona ang walang talong si Genesis Servania upang itaya ang kanyang world rankings kay Alexander Espinoza ng Venezuela sa Setyembre 11 sa Sangyo Hall, Kanazawa, Ishikawa, Japan.
Ito ang ikalawang laban ni Servania sa Japan mula nang kumalas sa ALA Promotions na mas binigyan ng magagandang laban ang katimbang niya na si Albert Pagara na natalo kamakailan via 9th round knockout kay Mexican boxer Cesar Juarez sa United States.
Kasalukuyang nakalista si Servania na No. 8 contender kay WBO super bantamweight titlist Nonito Donaire Jr. at No. 9 rated sa IBF ratings na bakante ang titulo.
May rekord si Servania na perpektong 27-0, kabilang ang 11 sa pamamagitan ng knockout.
May karta namang 11-7-1, kabilang ang 10 knockouts si Espinoza.
Sa undercard ng sagupaan, kakasa rin si dating world rated Jonathan Baat ng Pilipinas sa hindi pa tinukoy na Japanese boxer matapos matalo sa kontrobersiyal na 10-round unanimous decision kay Solis sa sagupaang ginanap sa Panama City, Panama. (Gilbert Espeña)