Mainit na sinimulan ng Pilipinas ang kampanya sa Asian Football Confederation (AFC) Under-16 Womens Championship Qualifiers sa impresibong 2-0 panalo kontra India nitong Linggo sa Luneng Football School sa Weifang, China.
Pinalampas lamang ng Pinay ang anim na minuto bago maisalpak ni Tejanee Isulat ang unang goal sa kanilang unang laro sa Group B.
Nagpilit ang mga Indians na maitabla ang laban sa sunud-sunod na pag-atake subalit hindi man lamang nakatuntong sa box at isang pagkakataon ay nahuli pa ng Pinay goalkeeper.
Umiskor si Andie Tiongson kontra sa ika-76 minuto upang doblehin ang abante at tuluyang selyuhan ang panalo ng Pilipinas.
Pilit na susundan ng Pinay booters ang matinding momentum sa pagsagupa nito sa Northern Mariana Islands ngayong hapon ng Martes. .
Sunod nitong makakasagupa ang Korea Republic sa Setyembre 3 at Malaysia sa Setyembre 5 para makumpleto ang kanilang nakatakdang laban sa group stage.
Kinakailangan ng Pinay na manguna sa kanilang grupo upang makapagkuwalipika sa susunod na taon sa walong koponan na kampeonato na kinabibilangan ng defending champion North Korea, Japan, China, at Thailand. (Angie Oredo)