Masusubok ang kakayahan ng binuong Philippine Under 18 baseball squad sa pagsagupa sa powerhouse at defending champion Korea sa opening day ng XI Baseball Federation of Asia (BFA) Under-18 Baseball Championship sa Taichung, Taiwan.
Sasagupain ng Batang Pinoy batters sa ganap na 9:30 ng umaga sa Taipei Time sa Group B qualification match.
Asam ng Pilipinas na maipakita ang kahusayan sa pagbuo sa pinakabata at pinakamalakas na pambansang koponan na inaasam nitong sanayin sa susunod na apat na taon para kumatawan sa Pilipinas sa iba’t ibang qualifying tournament para sa 2020 Tokyo Olympics.
Magbabalik ang sports ng softball at baseball sa Olympics matapos ang mahabang taong pagkasibak sa sports calendar ng Summer Games.
Sunod na makakasagupa ng ika-29 rank sa mundo na Pinoy batters ang World No. 3 Korea sa Agosto 30, ang No. 19 China sa Agosto 31 at ang kapwa Southeast Asian na rank 32 na Thailand sa Setyembre 1.
Ang World No. 1 Japan, host at world No. 4 Chinese Taipei, No. 25 Hong Kong, at No. 49 Indonesia ang bumubuo naman sa Group A.
Umaasa ang mga coach na sina Ruben Angeles at Wilfredo Hidalgo sa magandang pagpapakita ng 16-man team na binubuo ng mga collegiate stars sa pangunguna ni UAAP Season 78 Season MVP at Rookie of the Year Julius Diaz ng University of Santo Tomas.
Kasama rin sa team ang high school standouts tulad ni Benjamin Sarmiento ng Southridge at Fausto Eizmendi mula sa Brent para sa kampanya ng Pilipinas. Ang PHl IX ay mahigit tatlong buwan nang nagsasanay.
“We’re hoping to make the semifinals,” sabi ni Angeles.