Pinatalsik ni Taiwanese Cheng Yuhsuan ang natitirang Pilipinong cue artist na si Jeffrey Ignacio sa pagtala ng come-from-behind na 11-10 panalo sa quarterfinals ng China Open 9-ball sa Shanghai, China.
Si Yuhsuan, ang top-rank player sa buong mundo, ay tinalo si Ignacio sa matinding palitan ilang oras lamang matapos na patalsikin ang mas kilala na si Carlo Biado sa Last-16 sa tulad din na iskor.
Si Ignacio ang huling natirang Pinoy sa torneo matapos ang mga kabiguan nina Biado at Jeffrey de Luna sa Round-of-16.
Tinalo ni Ignacio ang Japanese na si Naoyuki Oi, 11-9 habang natalo si Biado kay Yuhsuan at si de Luna na nalasap ang 3-11 kamalasan kay Ko Pin Yi.
Dahil sa kabiguan ni Ignacio ay tuluyang nawalis ang delegasyon ng Pilipinas sa $373,600 World Pool - Biliard Association na torneo.
Maagang napatalsik sa torneo sina Johann Chua at Lee Van Corteza sa Last-32 habang sina Chezka Centeneo at Rubilen Amit ay napatalsik sa women’s Last-16.
Ang dating World No. 1 na si Dennis Orcollo at Asian Games gold medalist na si Warren Kiamco ay hindi naman nakalampas sa double-elimination first stage. (Angie Oredo)