Pormal nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng P4.7 bilyon para sa hindi pa nababayarang benepisyo at pensyon ng mga biyuda ng mga sundalong napatay sa giyera at sa mga retiradong miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ginawa ni Pangulong Duterte ang anunsyo sa kanyang mensahe sa paggunita ng National Heroes Day kahapon sa Libingan ng mga Bayani kung saan P3.5 bilyon ang para sa arrears ng mga biyuda, habang P1.2 bilyon naman ay para sa retirees ng AFP.
Ayon kay Pangulong Duterte, ang nasabing halaga ay para sa mga benepisyo ng mga biyuda at retiradong hindi nabayaran ng nakaraang administrasyong Aquino bagama’t nakalaan na ito sa 2016 national budget.
Ikinatuwa naman ng mga biyuda ang naging anunsyo ni Pangulong Duterte na matagal na raw nilang hinihintay, kung saan masigabong palakpak ang ibinigay ng mga ito sa Pangulo. (Beth Camia)