Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang lalaki na umano’y nanunog ng bahay sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Isang Marvin delos Santos ang itinuturo ni Barangay Chairman Mario Banal na umano'y may kagagawan ng krimen.
Sa imbestigasyon ni PO2 Christian Khalid Ang, imbestigador ng Station 1 ng Manila Police District (MPD), nabatid na dakong 7:00 ng gabi nagsimula ang sunog na nagmula sa bahay ni Gloriani Yalong, ng 1310 Buco St., sa Tondo, Maynila, sakop ng Barangay 123.
Kaagad namang rumesponde ang Moriones Fire Volunteer, katuwang ang mga residente, upang hindi na kumalat pa ang apoy, na tuluyang naapula dakong 7:45 ng gabi.
Tinatayang aabot sa P100,000 halaga ng ari-arian ang natupok.
Inaalam na rin ng mga pulis ang dahilan nang panununog. (Mary Ann Santiago)