HANGGANG tainga ang ngiti ng mga manufacturer ng motorsiklo sa bansa ngayon.
Sa mahabang kasaysayan ng Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA), na kinabibilangan ng limang pinakamalalaking motorcycle manufacturer sa bansa, ngayon lang sila makatitikim ng sales growth rate na hihigit sa isang milyong unit.
Bukod pa rito ang kalahating milyong unit na inaasahang maibebenta ng non-MDPPA member para sa 2016.
Sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon, umabot na sa 544,699 motorcycle unit ang naibenta ng MDPPA. Ito ay may katumbas na 42 porsiyentong pagtaas sa year-on-year total sales growth kumpara sa kahalintulad na panahon noong 2015.
Sa buong 2015, umabot sa 850,509 unit ang total sales ng MDPPA.
Hindi makakaila na patuloy ang paglobo ng bilang ng mga motorsiklo sa bansa.
Kahit saan kayo lumingon, may motorsiklo.
At kahit saan kayo lumingon, may aksidente.
Ang suliranin sa trapiko ay hindi lamang perhuwisyo sa Metro Manila, ngunit maging sa iba pang siyudad sa bansa tulad ng Cebu, Davao, at Bacolod.
Ang traffic ang pangunahing dahilan na binanggit ng MDPPA kung bakit tinatangkilik ng mamamayan ang motorsiklo, sa halip na mag-commute o sumakay sa pribadong kotse.
Kung meron nang mga app-based transportation service tulad ng Uber at Grab na ang ginagamit ay mga sasakyang may apat na gulong, nagsusulputan na rin ang app-based motorcycle service tulad ng gobounce! na nagiging patok hindi lamang sa masa kundi maging sa mga company executive na laging nagmamadaling makarating sa kanilang pupuntahan.
Ayon sa grupo, nakatulong din sa pagdami ng mga bumibili ng motorsiklo ang paglakas ng purchasing power ng mga Pinoy dulot ng paglobo ng ekonomiya ng bansa.
Andyan din ang mga makabagong teknolohiya sa mga motorsiklo na nakatutulong sa pagpapanatili sa kaligtasan ng mga rider.
Subalit ligtas nga ba ang mga rider sa sakuna kahit andyan na ang mga safety equipment tulad ng anti-lock brake system, traction control, at iba pa na dati’y nakikita lang sa mga mamahaling motorsiklo?
Aminado ang MDPPA na malaki ang problema sa usapin ng aksidente sa motorsiklo.
Dahil dito, nangako silang ipupursige ng kanilang grupo ang pagsasagawa ng mga safety riding clinic lalo na para sa mga bago pa lang makakasasakay sa sasakyan na dadalawa ang gulong.
Anila, regular nila itong gagawin upang mas marami ang makapag-enrol at matuto sa tamang paggamit ng motorsiklo.
Sana nga’y totohanin nila ang kanilang binitiwang pangako at hindi lamang puro benta ang kanilang iniintindi.
(ARIS R. ILAGAN)