Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na pabibilisin ng kagawaran ang pagkumpleto sa modernong Bicol International Airport (BIA) na magiging “global gateway” sa Southern Luzon, lalo na sa Bicol Region at ilang bahagi ng Vizayas.
Kasama ang pagkumpleto sa BIA sa unang 10 malalaking proyekto na inaprubahan kamakailan ng National Economic Development Authority (NEDA) Investment Coordinating Committee.
Sa pulong ng matataas na opisyal ng DOTr kamakailan, tiniyak ni Tugade kay Albay 2nd District Rep. Joey Salceda na igagawad na ng gobyerno sa nanalong bidder ang pagkumpleto sa BIA runway, at ire-rebid naman ang Passenger Terminal Building.
Tinalakay ni Tugade sa naturang pulong ang pagsasakatuparan sa P4.7-bilyon BIA at sa P171-bilyon Southline ng North-South Railway Project (NSRP), na parehong isinusulong ng kongresista. (PNA)