IPINALIWANAG ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ng Korte Suprema ang papel ng hudikatura sa ating demokratikong gobyerno sa Meet the Press forum ng korte nitong Huwebes. Ang tungkuling ito, aniya, ay “to keep the social fabric intact, address the people’s cry for justice, and thereby prevent society’s descent to anarchy.”
Ang mga sinabi niya ay isang katanggap-tanggap na paalala sa ating lahat na may ikatlong haligi ang ating pamahalaan na maaari nating takbuhan sa mga panahong ang dalawang iba pang haligi — ang ehekutibo at lehislatibo — ay mistulang nagmamalabis sa pagpupursige nito para sa pambansang kagalingan.
Ang hudikatura, aniya, ang nagkakaloob ng hustisya sa estado at sa mga biktima ng krimen kung mayroong patunay ng pagkakamali, at sa mga akusado naman kung wala nito. Ito ang pangunahing tagapagpatupad ng batas na kung wala, ayon sa kanya, ay hindi tayo makaaalagwa bilang isang bansa.
Hinimay din ng punong mahistrado ang mga paglilitis sa mga kaso ng droga sa bansa. Mayroong kabuuan na 128,368 kaso ng ilegal na droga na nakabimbin ngayon sa mabababang korte, aniya; at binubuo nito ang ikaapat na bahagi ng 439,606 na kabuuang kaso ng lahat ng uri na nakabimbin sa mga korte sa iba’t ibang panig ng bansa.
Mayroong mga pagkabalam sa paglilitis sa mga kaso ng droga, dahil sa tatlong pangunahing dahilan—ang kawalan ng testigo ng pulisya, kakulangan ng pampublikong prosekusyon, at mahinang ebidensiya. Sinabi niyang ipinabatid sa kanya ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre II na ang kagawaran ay may bakanteng posisyon para sa 500 prosecutor at kakailanganin nitong magdagdag ng nasa 2,000 iba pa. Sa kanyang panig, sinabi niya na nagdagdag na ang Korte Suprema ng 240 korte na naglilitis na ngayon sa mga nasabing kaso na may kaugnayan sa droga.
Partikular na binanggit ng punong mahistrado ang mga kaso ng droga dahil na rin sa pagpapatuloy ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa ilegal na droga. Sa huling bilang, na idinetalye sa pagdinig ng Senado sa usapin, 1,160 suspek na ang napatay sa operasyon ng pulisya, 756 ang posibleng kagagawan ng mga grupong vigilante, 11,784 ang inaresto, at 673,978 tulak at adik ang sumuko.
Ang mga pagdakip at pagsuko ay tiyak na dadagdag sa mga trabaho ng korte, na hindi na nga magkandaugaga sa mga ito. Tungkol naman sa mga pamamaslang, ito marahil ang nasa isip ni Chief Justice Sereno nang bigyang-diin niya ang “need to respect human dignity” at iwasang mauwi ang lahat sa kawalan ng pamahalaan. “What will allow us to survive as a nation is the rule of law,” aniya.
Nang sumunod na araw, inulit ni Pangulong Duterte ang nauna na niyang komento na sa ilang kaso ay pinahihintulutan ang pagdakip nang walang arrest warrant. Ngunit tiniyak niya: “There will be no anarchy under my watch.” Sa usaping ito, dapat na mawala na ang hindi pagkakasundo at tanggapin ng bansa ang mga deklarasyong ito mula sa dalawang pinakamatataas na opisyal ng Pilipinas.