MABIGAT para sa press people na nakausap ni Tom Rodriguez sa presscon ng Someone To Watch Over Me nang ikuwento ng aktor na may lung cancer ang kanyang ama.

Kung ano ang saya niya nang i-introduce ang cast ng teleserye na magpa-pilot sa September 5, siya namang kaseryoso ang mood sa intimate interview niya with the reporters.

Naoperahan na raw ang daddy niya sa lungs na ang diagnose ng mga doktor ay sarcoma. Inakala noong una ng kanyang 76-year-old na ama na muscle pain o pulled muscle lang, pero nang magpa-check up, nalamang cancer pala.

“Nang tinanggal ang mass, hindi lang pala 8x12, kasing laki na ng heart or bigger. It was a huge mass. Pero bilib ako sa daddy ko, siya ang pinakamatapang na taong kilala ko and he’s fighting and he’s... what a trooper!”

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Mas natakot pa nga raw si Tom para sa ama, pero nang makita niya itong lumalaban, nabuhayan siya ng loob.

“Malakas siya. He’s recovering after maalis ang four of his ribs, they removed part of his lungs para lang safe na walang recurring. They’re gonna go through the chemo na heavy para hindi bumalik,” kuwento ni Tom.

Ang balak ng pamilya ni Tom, dito na (sa Subic) manirahan ang parents niya, pero magpapagaling muna sa Amerika. Balak ni Tom na bilhin ang bahay na matagal na tinirhan ng ama at ‘yun ang pinag-iipunan niya.

Kaya malaki ang pasasalamat niya sa bago niyang teleserye at sa isa pa niyang show, ang #Like na magsisimula sa September 3. Prodyus ito ng GMA News & Public Affairs at mapapanood after ng Eat Bulaga at makakasama niya ang Internet sensation na si Balang.

Naging peg ni Tom ang ama sa ginagampanan niyang role sa Someone To Watch Over Me na may early onset ng Alzheimer’s disease naman ang karakter niyang si TJ Chavez. Pareho kasing life threatening ang dalawang sakit, ang kaibahan lang, marami ang gumagaling sa cancer, pero ang Alzheimer, wala pang nahahanap na gamot.

Sa direction ni Maryo J. delos Reyes, kasama ni Tom sa Someone To Watch Over Me sina Lovi Poe, Max Collins, Isay Alvarez, Ronnie Lazaro, Jackielou Blanco, Ralp Noriega at Edu Manzano. (Nitz Miralles)