Pabor si House Speaker Pantaleon Alvarez na buwagin na ang Sangguniang Kabataan (SK) at lupon ng barangay kagawad dahil sa duplikasyon ng trabaho at dagdag lang umano sa gastusin ng gobyerno.
“Kasi ‘yung SK, pagka pumili ka ng SK, kung pilitin mo ‘yan na magtrabaho bilang SK, hindi ‘yan papasok sa eskwelahan. At kung pilitin mo ‘yan na pumasok sa eskwelahan hindi rin ‘yan magtatrabaho bilang SK. So sumusweldo ‘yan na wala namang ginagawa,” ayon kay Alvarez sa interview sa Tunga, Leyte.
“Mabuti pa tanggalin na lang ‘yan tutal repesented naman lahat ng sectors. O meron ngang party list na sa youth sector, so well-represented ‘yan,” dagdag pa ng kongresista.
Bukod sa SK, sinabi ni Alvarez na tinitingnan din sa Kamara kung dapat na ring alisin ang barangay kagawad. “Dahil ang totoo, hindi naman talaga nagtatrabaho ito, ang nagtatrabaho ‘yung barangay captains,” pahayag nito.
Sa halip na maghalal ng barangay kagawad, sinabi ni Alvarez na dapat piliin na lang ang mga purok leaders.
Sa dalawang kapulungan ng Kongreso, pabor ang mga mambabatas na ibinbin muna ang SK at barangay elections. Suportado rin ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.