TUWING sasapit ang huling Linggo ng makasaysayang buwan ng Agosto, ipinagdiriwang sa Pilipinas ang National Heroes Day. Mahalaga at pulang araw ito sa ating bansa sapagkat ang sakripisyo, dugo, buhay at talino ng ating mga bayani alang-alang sa kalayaan na tinatamasa natin ngayon ay binibigyang-halaga. Ang pagdiriwang ng National Heroes Day ay sinimulan matapos pagtibayin ng Lehislatura ng Pilipinas, noong Oktubre 28, 1931, ang Philippine Act No. 3827 na nagtatakda na ang huling Linggo ng Agosto ay Araw ng mga Pambansang Bayani. Sa pagdiriwang ng National Heroes Day, lumulutang lagi ang pangalan nina Dr. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Marcelo H. del Pilar, Apolinario Mabini, Emilio Jacinto, Gregorio del Pilar at iba pang bayaning nag-alay ng kanilang buhay.  

Mula noon hanggang 2006, ang pagdiriwang ng National Heroes Day ay nakapako at hindi nababago sa huling Linggo ng Agosto. Ang araw ng Lunes na kasunod nito ay hindi idineklarang non-working holiday. Ngunit noong 2007, inilipat sa araw ng Lunes at ipinahayag na special non-working holiday ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo dahil sa kanyng holiday economics upang humaba ang bakasyon.

Ang paglilipat na ito ng mga holiday ay batay sa Republic Act 9294 na nag-aatas na ang pagdiriwang ng mga holiday na walang religious significance ay maaaring ilipat sa pinakamalapit na araw ng Lunes. Marami na ang bumatikos sa nasabing batas sapagkat nawawala raw ang kahalagahang pangkasaysayan. 

Mahalaga ang mga bayani at may katuturan sila sa lahat ng mga adhikain sa kaunlarang pangkabuhayan na pinakamahalaga sa isipan ng ating mga pinuno.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang mga buhay nila ay nagpapakita ng mga ideal na alituntuning moral para sa kasalukuyang henerasyon. Sila ang huwaran ng mamamayan sa pag-ibig sa bayan.

Hindi magiging mabisa ang mga pagsisikap ng mga paaralan, Simbahan, pamahalaan at ng media kung ang mga ito ay hindi matutulungan ng idea at simbolo na isinakripisyo ng mga bayani. Ang mga bayani ang nagbibigay ng inspirasyon sa paghahanap natin ng pambansang kadakilaan at personal na ginagawa. Pinatunayan nila na ang mga Pilipino ay kayang humarap sa mga hamon at matinding pagsubok. Ang Himagsikan noong 1896 at ang pagpapatalsik sa isang diktador noong 1986 na ngayo’y gustong ilibing sa Libingan ng mga Bayani, ay nagpapakita na ang mga Pilipino ay maaaring kumilos kung nagkakaisa. Sila ang halimbawa ng pagiging makabayan, may paninindigan, at nagkakaisang Pilipino.

Ang buhay ng ating mga bayani ay magpapatuloy sa pagbibigay ng inspirasyon sa ating pag-unlad tungo sa pagkakamit ng ating bansa sa isang kalagayang nagkakaisa, lalo na sa panahon ng krisis sa kabuhayan at pulitika. Matapat at maalab ang pag-ibig sa bayan ng ating mga bayani. Napapanahon pa rin na ang dakila nilang pagmamahal ay maging halimbawa at inspirasyon ng bawat Pilipino. (Clemen Bautista)