ILANG buwan pa ang hihintayin bago mabigyang katuparan ang isang komprehensibong kasunduang pangkapayapaan ngunit naging maganda ang pagsisimula ng pag-uusap sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng National Democratic Front (NDF) ng Communist Party of the Philippines (CPP) nitong Biyernes, at nagsilbing punong abala ang Norway sa pagdaraos nito sa Oslo.
Nilagdaan ng magkabilang panig, na pinangunahan nina Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza at Government Panel Chairman Silvestre Bello III ang delegasyon ng Pilipinas habang kinatawan naman ng NDF sina CPP Founding Chairman Jose Ma. Sison at NDF Peace Panel Chairman Luis Jalandoni, ang pinag-isang deklarasyon ng paninindigan sa unilateral ceasefire nang walang limitasyon sa panahon. Dapat na agad nitong mapatigil ang labanan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at ng New People’s Army (NPA), ang armadong sangay ng NDF at CPP.
Nagkasundo ang magkabilang panig na gagawing mas mabilis ang proseso sa negosasyon para sa iba pang mahahalagang usapin, partikular na ang reporma sa ekonomiyang panlipunan, kabilang ang reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Magbabalik sila sa Oslo sa Oktubre 8 para sa ikalawang bahagi ng negosasyon. Kapwa sila umaasang makabubuo ng kasunduan sa loob ng anim na buwan.
Maaasahang ang pag-uusap ay magiging kasing komprehensibo ng naganap sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa panahon ng administrasyong Aquino na nagresulta sa kasunduang Bangsamoro.
Nakalulungkot lang na hindi naipasa ng Kongreso ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) na naging bunga ng nasabing kasunduan, dahil na rin sa maraming probisyon nito ang pinaniniwalaang labag sa batas at hindi tumutugma sa pinaninindigang pagkakaisa at soberanya ng bansa.
Dapat na matuto ang mga Oslo peace negotiator sa kinasapitan ng Bangsamoro at maging bukas sa lahat ng kanilang pagtalakay upang maiwasan ang mga akusasyon kalaunan na masyadong pinagbigyan ng gobyerno ng Pilipinas ang kabilang panig.
Ang rebelyon ng NPA sa Pilipinas ang pinakamatagal na insurhensiya ng mga Komunista sa buong Asia, na nagsimula noon pang 1969 — o 47 taon na ang nakalilipas. Muntik nang magkaroon ng kasunduan ang administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa mga rebelde noong 2007 ngunit nabigo ang usapang pangkapayapaan dahil sa usapin sa amnestiya at nagpatuloy ang bakbakan.
Sa simula pa lang ay nagpahayag na ang bagong administrasyon ni Pangulong Duterte ng pagnanais na magkaroon ng kasunduan sa NPA-NDF-CPP, at inialok pa nga sa grupo ang ilang puwesto sa Gabinete. Sa pagiging bukas sa pakikipagkasundo at sa malinaw na kahandaan na talakayin ang mga magiging kompromiso, malaki ang pag-asam na tuluyan nang matutuldukan ang ilang dekada nang rebelyon.