NANG araw na manumpa siya sa tungkulin, binisita ni Pangulong Duterte ang isang lugar ng mahihirap sa Maynila at hinimok ang mga residente na kung may kakilala silang lulong sa droga ay “go ahead and kill them yourself as getting their parents to do it would be too painful.”
Makalipas ang dalawang buwan, halos 2,000 hinihinalang nagbebenta at gumagamit ng droga ang nasawi at patuloy na tumatambak ang mga bangkay sa mga morgue. Nahaharap sa matinding batikos mula sa mga nagsusulong ng karapatang pantao, mga pandaigdigang organisasyon at mga Pilipino na direktang tumutuligsa, kabilang ang punong mahistrado, nanindigan si Duterte sa kanyang kampanya at nagbanta pang magdedeklara ng batas militar sakaling makialam ang Korte Suprema sa kanyang tungkulin.
Ayon sa survey na isinagawa noong unang bahagi ng nakaraang buwan, taglay ni Duterte ang suporta ng halos 91 porsiyento ng mga Pilipino. Isinagawa ang independent poll sa unang linggo niya sa puwesto, at wala nang ibang survey ang isinapubliko simula noon.
Sinabi ni Philippine National Police Chief Director General Ronald dela Rosa sa pagdinig sa Senado noong nakaraang linggo na nakapagtala ang pulisya ng mahigit 1,900 pagkamatay, kabilang ang 756 na hinihinalang tulak at adik na binaril matapos manlaban sa pag-aresto. Mahigit 1,000 iba pang pagkamatay ang iniimbestigahan, at ilan sa mga ito ay maaaring walang kaugnayan sa droga, aniya.
Ayon kay Jayeel Cornelio, doctor of sociology at direktor ng Development Studies Program ng Ateneo de Manila University, may hinala siyang ilan lamang sa mga tagasuporta ni Duterte ang nadidismaya sa sunud-sunod na pagpatay at sa hindi magandang pananalita ng Pangulo dahil nagtiwala ang mga botante sa ipinangako nito noong kampanya na dudurugin ang lahat ng kriminal na nagdodroga. Makahulugan din para sa mga tagasuporta ang pagmumura at prangkang mga komento ng Presidente.
Ang mga banta ni Duterte na pagpatay sa mga kriminal, ang ipinangako niyang susugpuin ang kurapsyon, ang kanyang retorika laban sa imperyalismo at ang kakaiba niyang pagbibiro ay kinatutuwaan ng mahihirap na Pilipino. Nakalulula ang hinakot niyang boto noong halalan, sinasalamin ang labis nang pagkapagod ng publiko sa hindi nasosolusyunang mga problema ng lipunan, na labis niyang kinokondena.
Sinabi ni Economic Planning Secretary Ernesto Pernia na ang mga pagpatay “may be a necessary evil in the pursuit of a greater good,” isang sentimyentong sumesegunda sa sangkatutak na komento ng mga tagasuporta ni Duterte sa social media, kinokontra ang kanyang mga kritiko at idinepensa ang brutal na digmaan laban sa droga.
“The killings are OK so there will be less criminals, drug pushers and drug addicts in our society,” sabi ni Rex Alisoso, isang 25-anyos na obrero sa Maynila. Aniya, nakasanayan na ng publiko ang paraan ng pagsasalita ni Duterte at ibinoto ito sa kabila ng lahat.
Sinabi naman ni Kim Labasan, vendor na taga-Maynila, na hindi niya gusto ang madalas na pagmumura ni Duterte at “marami na siyang natatapakang tao”, partikular na sa desisyon ng Presidente na pahintulutang mailibing ang dating diktador na si Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani. Gayunman, suportado niya ang digmaan kontra droga sa kabila ng patuloy na pagdami ng napapatay dahil, aniya, personal niyang naranasan ang hindi magandang epekto ng droga. Sinabi niyang ang mga adik sa kanilang lugar ay “wala na sa sariling katinuan” at minsan pa ngang nilooban ang bahay ng kanyang pamilya.
“A battle of moralities is being waged right now by this administration — before, if you were a human rights advocate you are a hero of the country, now you are seen as someone who can destroy the country,” ani Cornelio.
Sinabi ni Cornelio na isinusulong ni Duterte ang “penal populism” — tinutukoy ang partikular na kaaway, isang kriminal, at tinutugis ito hanggang sa mamatay. At dahil makikita at solido ang resulta nito, ramdam ito ng mamamayan kaya “it becomes more important than many other things to the ordinary person.” (Associated Press)