ISA sa mga panukalang batas ngayon ang paggamit ng mga closed-circuit television (CCTV) camera sa mga pampublikong lugar, lalo na sa mga opisina ng pamahalaan na nagbibigay ng serbisyo sa mga mamamayan. Naglalayon itong makatulong sa pagsugpo sa kriminalidad at kurapsyon na talamak sa bawat sulok ng lipunan.

Malaking bagay kasi ang mga aktuwal na video ng isang pangyayari para agad na malutas ang krimen. Patunay dito ang ilang kontrabersyal na video na nag-viral sa social media. Madaling nakikilala ang mga suspek lalo pa’t umikot at napanood na ito sa buong mundo dahil sa lakas at bisa ng Internet.

Ngunit paglilinaw lamang: Malaki ang pagkakaiba ng mga video na napapanood natin sa mga social media na karamihan ay kuha sa cellphone, kumpara sa mga video clips na kuha naman ng mga CCTV sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Sa paniniwala ko, mas maraming video na kuha ng mga cellphone ang nakatulong na malutas ang kaso dahil nakikilala agad ang mga suspek kung ihahambing natin sa mga CCTV video na kadalasan ay madilim at malabo pa ang kuha dahil malayo. Malaki ang pagkakaiba dahil ang video ng cellphone ay kuha sa malapitan samantalang ang sa CCTV ay madalas na malayo ang kuha dahil nakapirmi palagi ito sa mataas na lugar na hindi basta-basta maaabot ng tao.

Tanong ng karamihan: “Bakit kung kelan tapos na ang krimen saka pa lang titingnan ang mga CCTV video para makilala ang mga suspek? Live ito sa monitor, bakit ‘di na lang hulihin yung mga suspek habang ginagawa ang krimen?”

Depensa naman ng mga security guard: Kung ‘yun lang ang ipagagawa sa kanila p’wede, pero marami pa kasing ibang ginagawa kaya raw naka record ang video para ma-review kapag kailangan na.

May mga pagkakataon naman na kapag ni-review na ang CCTV video ay wala yung insidente.

Hindi naman sinasadyang binura ito, may mga CCTV kasi na maliit lang ang capacity ng hard disk kaya kapag napuno na ay awtomatikong nabubura para mag-record ulit ng mga video.

Kadalasan tumatagal lang ito ng isa hanggang dalawang linggo bago mabura at mapatungan ng bagong video.

Sa madaling sabi, nasa atin pa rin ang solusyon sa pagsugpo ng krimen at kurapsiyon na matagal nang nagpapahirap sa ating bansa.

Gamitin natin ang mga gadget na araw-araw ay hawak natin para proteksyunan ang ating mga sarili.

Pero, ingat, baka ma-snatch ang inyong cellphone.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)