MAY kasabihang mahirap kalabanin ang “City Hall”. Para ka raw bumangga sa pader. Sa sagutan-bakbakan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Sen. Leila de Lima, ang itinuturing na “City Hall” dito ay ang pangulo, si Mano Digong. Siya ang pinakamakapangyarihang lider ngayon ng Pilipinas at nakaaalam ng mga impormasyon na hindi alam o hawak ng mga kasapi ng cabinet, ng mga pinuno ng iba’t ibang ahensya at tanggapan ng pamahalaan at maging ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Samakatuwid, tama si De Lima na tigilan na ang pagsagot sa mga bintang, patutsada at akusasyon ni President Rody na walang patumangga sa paglalahad ng mga kasiraan niya bilang babae mula sa umano’y pagiging drug lord’s protector sa New Bilibid Prison (NBP) hanggang sa personal na pag-atake. Sa kanyang press conferences, sinabi ni RRD na, nakagagawa ng paglabag sa batas si De5 bunsod ng kanyang “sex escapades”.

Marami ang nagdududa na si Sen. De Lima ay makikipagrelasyon pa sa kanyang driver-bodyguard dahil siya ay nasa “menopausal stage” na at wala nang estrogen upang magkaroon pa ng matinding pagnanasa sa sex. Ayon sa mga doktor, kapag menopause na ang isang babae, nawawala na ang “libido” nito at sex urges ay wala na rin.

Unang pinangalanan ni Pres. Duterte si Ronnie Palisoc Dayan, ang umano’y driver-lover ng senadora, bilang collector niya ng pera sa mga drug lord sa NBP para gamitin sa kampanya. Mahigpit niya itong itinanggi at sinabing “It’s an absolute lie.”

Sa pinakahuling pasabog ni Mano Digong, nakatanggap daw siya ng impormasyon kay ex-MMDA chairman Francis Tolentino na ang bagong boyfriend ni De Lima ay isang “Warren,” motorcycle escort (hagad) ni De5. 

‘Di ba’t si Tolentino ang nagregalo umano ng sexy dancers noon sa birthday party ng isang kandidatong mayor sa Laguna? Ito ay tinatawag na “Twerk”. Dapat ay kasama siya sa LP senatorial bets, pero inilaglag siya ng LP sanhi ng pagreregalo ng mga nagsasayaw na babae na halos ipakita ang mga “pisngi ng langit” sa mga botante. “Tsismoso rin pala ang ating Pangulo. Ang gayong bagay ay hindi niya dapat isinasapubliko,” sabi ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko.

Samantala, tuloy ang Senate hearings tungkol sa EJK (extrajudicial killings) upang malaman ng publiko ang umano’y pagpatay ng mga pulis sa drug pushers-users kahit sumusuko na sila o hindi naman nanlalaban. Kataka-taka na laging sa bangkay ng biktima ay may .38 cal. pistol at ilang sachet ng shabu. Tanong: “Papaano lalaban ang isang pusher o user sa mga pulis na armado ng matataas at malalakas na armas kung siya ay armado lang ng .38 cal. pistol?”

Nanindigan si Sen. Leila na hindi siya mag-iinhibit sa Senate hearings tulad ng suhestiyon ni Sen. Alan Peter Cayetano, talunang Vice President na katambal ni RRD. “Hayaan nating ang mamamayan ang humusga sa akin,” pahayag ng babaeng senador na may “yagbols”. Hindi ba ninyo naoobserbahan na parang takot ang mga pulitiko, senador, kongresista, negosyante at iba pa kay President Duterte?

Parang walang boses ang mga mambabatas ngayon upang salungatin si Mano Digong. Ang tanging kumukontra ay isang babae na ngayon ay ibinibilad ng Pangulo sa kahihiyan. Aba naman, kayrami nang napatay sa drug war nina RRD at Gen. Bato, na ang pinakahuli ay isang 5-anyos na babae mula sa Dagupan City. (Bert de Guzman)