Kinumpirma kahapon ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakaaresto sa isang Filipino-Chinese at pagkakakumpiska sa isang plastic bag na naglalaman umano ng 500 gramo ng pinaghihinalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.2 milyon sa ikinasang buy-bust operation ng District Anti-illegal Drugs-Special Operations Task Group (DAID-SOTG) at ng Philippine National Police-Anti-Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) sa Quezon City.

Sa pangunguna ni Police Sr. Insp. Ernesto Santos Jr. ng DAID-SOTG at mga miyembro ng PNP-AIDG, ikinasa ang operasyon sa Agoho Street, Corner Almasiga, Barangay Claro, Congressional Avenue, Quezon City.

Ayon kay Police Sr. Supt. Guillermo Eleazar, QCPD director, dakong 2:15 ng madaling araw kahapon isang police agent ang nagpanggap na bibili ng shabu sa suspek na kinilalang si Jennifer Hong, 30, ng Block 8, Lot 9, Villa Lourdes Town Homes, Congressional Avenue, Quezon City.

Kinokonsidera bilang high value target sa AIDG Case Operational Plan (COPLAN), ang asawa umano ni Jennifer ay isang drug dealer at tatlong taon nang nakakulong sa Quezon City Annex Jail sa Bicutan.

National

Lone bettor panalo ng ₱107.8M sa Lotto 6/42

Ayon kay Police Supt. Godfredo Tul-o, QCPD DAID-SOTG chief, bukod sa pinaghihinalaang shabu, nakumpiska rin ang mga pekeng pera na tinatayang aabot sa P600, 000 na may nakaipit na tunay na P1,000 (serial number GU52294), na nagsilbing marked money, at dalawang cell phone.

Nagsasagawa na, ayon kay Eleazar, ng imbestigasyon ang mga operatiba ng PNP AIDG at QCPD-DAID kaugnay sa mga ilegal na aktibidad na nagaganap sa Bicutan Jail.

“The QCPD command recognizes and commends the diligent efforts, dedicated sacrifices and faithful service of QCPD personnel in this unrelenting anti-crime campaign, which will never diminish to rid Quezon City not only of illegal drugs, but also of major crimes,” sambit ni Eleazar.

Nanawagan naman si Eleazar sa Quezon City stakeholders na maging alisto at agad ipaalam sa mga operatiba ng QCPD na nakadestino sa kani-kanilang barangay ang kahit anong kahina-hinalang aktibidad.

“Full community support is the key to most effective police performance, with the civic-spirited community serving as the 24-hour early warning system, or the eyes and ears, of the police,” pahayag ni Eleazar.

“We are in the right direction, Jennifer Hong is the good lead towards getting even bigger fish in the illegal drug operation not only in Quezon City but in whole Metro Manila,” dagdag niya. (Francis Wakefield)