Naglunsad kahapon ng manhunt operation ang pulisya at militar upang tugisin ang 28 preso, kabilang ang walong miyembro ng Maute terror group, na nakapuga makaraang lusubin ng grupo ang Lanao Del Sur Provincial Jail (LSPJ) sa Marawi City nitong Sabado ng hapon.

Ayon sa report na isinumite ng Lanao Del Sur Police Provincial Office (LSPPO) sa Camp Crame, sinalakay ng mga hinihinalang miyembro ng Maute, terror group na tagasuporta ng ISIS (Islamic State of Iraq and Syria), ang LSPJ sa Barangay Mapandi, Marawi City dakong 5:45 ng hapon, at itinakas ang walong miyembro nito, kabilang ang tatlong babae, na inaresto ng mga awtoridad nitong Agosto 22.

Bukod sa walong pinatakas ng Maute Group, may 20 iba pang bilanggo ang pumuga.

Batay sa ulat ni Chief Supt. Agripino Javier, director ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Police, nasa 50 lalaking armado ng matataas na kalibre ng baril ang sumalakay sa piitan, at tinangay pa ang isang M14 rifle, isang M16 rifle, at isang sasakyang Mitsubishi mula sa mga jail guard.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sinabi ni Javier na binihag din ng mga suspek ang jail guard na si JO3 Modasir Manwang, ngunit kalaunan ay pinalaya rin sa Bgy. Caloocan sa Marawi.

Pinamumunuan ng leader ng grupo na si Abdullah Maute, tumakas ang mga armado kasama ang walo nilang pinapugang miyembro, sakay ng mga bangkang de-motor, sa Lanao Lake, ayon kay Javier.

Inalerto na ng pulisya ang lahat ng police at military checkpoints sa ARMM sa mga plate number at litrato ng apat na get-away vehicle ng mga suspek.

Agosto 22 nang maharang ng mga pulis at sundalo ang Tamaraw FX na kinalululanan ng walong miyembro ng Maute Group, kabilang ang isa sa matataas na opisyal nito, sa Lumbayanague, Lanao del Sur, at nakumpiskahan din ng maraming pampasabog ang mga suspek. (FER TABOY at FROILAN GALLARDO)