Walong suspek sa droga ang napatay ng mga pulis sa limang oras na operasyon sa Maynila kahapon.
Unang napatay ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD)-Station 7 ang mga suspek na sina Alexander Cuyugan, 40, at alyas Jeje Reyes, kapwa residente ng Pilar Street, Barangay 199, Tondo, ilang sandali makalipas ang hatinggabi ng Sabado.
Nakabili ng P300 halaga ng shabu ang undercover police officer ngunit bago pa man dakmain ang mga suspek ay nahalata ito kaya’t nanlaban ngunit napatay.
Ayon sa tiyahin ni Cuyugan, na tumangging magpabanggit ng pangalan, matagal na nilang hinihikayat ang pamangkin na sumuko at itigil ang ilegal na gawain ngunit matigas ang ulo nito.
Narekober sa mga suspek ang ilang plastic sachet ng shabu at dalawang .38 kalibre pistol.
Dakong 2:50 naman ng madaling araw nang magkasa ng buy-bust ang mga miyembro ng Dagonoy Police Community Precinct (PCP) laban kay Ryan “Buwaya” Eder, 29, na No. 1 drug personality ng Barangay 767, Zone 83, sa Sta. Ana, Manila, at residente ng 1661 Estrada Street.
Tinangka ng mga pulis na bumili ng P200 shabu ngunit nang aarestuhin na si Eder ay nanlaban ito at napatay. Nakuha sa kanya ang pitong plastic sachet ng shabu, drug paraphernalia at isang .38 kalibre ng baril.
Samantala, dead on the spot ang limang lalaki nang makaengkwentro ang mga tauhan ng Barbosa PCP at Station Anti-Illegal Drugs (SAID) ng MPD-Station 3, dakong 6:45 ng umaga kahapon sa Arlegui Street, Quiapo, Maynila.
Ayon kay Plaza Miranda PCP Police Chief Inspector John Guiagui, nanlaban ang orihinal na target ng operasyon na si Eddie Taruyan, residente ng 919 Quezon Boulevard, Quiapo, nasa drug watch list sa Barangay 385, at napatay sa loob ng kanyang tahanan.
Napatay din ng mga pulis ang apat pang suspek na tumulong kay Taruyan. Nakilala ang tatlo sa mga ito na sina Hassim Taruyan, Renato Diaz, at Ronaldo Acebedo, ng Balagtas, Bulacan.