Patraydor na sinaksak ng kanyang kaaway ang isang lalaki habang nakatayo sa Binondo, Manila, kamakalawa ng tanghali.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Gat Andres Bonifacio Hospital si Allan Rosales, 39, ng Area C, Gate 54, Parola Compound, sa Binondo.
Tumakas naman at tinutugis na ng mga pulis ang suspek na nakilala lamang sa alyas na “JR”.
Ayon kay SPO2 Richard Escarlan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 12:30 ng tanghali nangyari ang pananaksak sa Area C, Gate 54, malapit sa tahanan ng biktima.
Nakatayo umano sa nasabing lugar ang biktima nang lapitan ng suspek at dali-daling pinagsasaksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Escarlan, matagal nang may alitan sina Rosales at JR sa hindi tinukoy na dahilan, at ito umano ang posibleng dahilan ng pagpatay.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)