Nagpakamatay umano ang isa sa dalawang miyembro ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na nakabaril at nakapatay sa motorcycle rider na si John Dela Riarte, 27, na sinasabing nang-agaw ng baril sa Makati City noong Hulyo 29.

Kinumpirma ni PNP-Police Security and Protection Group (PSPG) Officer-in-Charge Sr. Supt. Antonio Bersola na nagpatiwakal si PO3 Jeremiah De Villa, tauhan ng PNP-HPG, matapos umanong umakyat mula sa bubungan ng gusali ng PSPG, sa loob ng Camp Crame, at sinasabing bumuwelo pa ito bago tuluyang tumalon.

Isinugod pa umano ng mga pulis sa pagamutan si De Villa subalit huli na ang lahat.

Humingi na umano ng kopya si Bersola ng kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar upang matiyak na walang foul play sa pagkamatay ni De Villa.

National

Revilla, sumuko na: 'Nakakalungkot po parang wala yatang due process'

Bago ang pagpapatiwakal, kapansin-pansin na umano ang tila pagkawala sa sarili ni De Villa na posible umanong dulot ng depresyon matapos mamatay ang kanyang ina kamakailan, bukod pa sa pagkakasangkot sa pagkamatay ni Dela Riarte.

Matatandaang noong Hulyo 29, inaresto nina De Villa at Manon-og si Dela Riarte dahil umano sa pagwawala at paghampas ng helmet sa likurang bahagi ng nakabanggaang kotse sa EDSA-Estrella, Makati City. (BELLA GAMOTEA)